Share

17 aso nailigtas mula sa ilegal na bentahan

Nasagip ng mga awtoridad ang 17 ipagbebenta sanang mga buhay na aso sa Gumaca, Quezon nitong Linggo. Kuha ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Nasagip ng mga awtoridad ang 17 ipagbebenta sanang mga buhay na aso sa Gumaca, Quezon nitong Linggo.

Ito’y kasunod ng natanggap umanong impormasyon ng grupong Animal Kingdom Foundation Inc. tungkol sa dog trade sa lugar.

Nakipag-ugnayan ang grupo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quezon para magkasa ng operasyon.

Linggo bandang 2:30 ng madaling araw ay kumagat sa transaksiyon ang suspek sa Barangay Inaclagan.

Nakatali ang mga bibig ng aso at pilit isiniksik sa isang tricycle. Kuha ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Doon ay nasabat ang 17 buhay na aso, na nakatali ang mga bibig at pilit isiniksik sa isang tricycle.

Ayon sa Facebook page ng Animal Kingdom Foundation, “slaughter-bound” o nakatakdang katayin sana ang mga aso.

Nakatakas naman ang suspek na kinilala bilang si Jowie Medina.

Natukoy na isa siyang nakatalagang “dog catcher” ng munisipyo na kinumpirma naman ng lokal na pamahalaan.

Sasampahan si Medina ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act at Anti-Rabies Law.

Nai-turnover na sa pangangalaga ng Animal Kingdom Foundation ang mga nailigtas na aso.

—Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India