Share

3,000 trabaho, training, alok sa K to 12 students at graduates

Sa oras na makatapos ng senior high school, balak na ni Marlo Obal na kumuha na ng trabaho sa halip na dumeretso sa kolehiyo dahil umano sa hirap ng buhay.

“Kasi may skills na ako noon. So kasi, di ko kasi kayang pag-aralin sarili ko kasi sa financial issue,” ani Obal.

Problemang pinansiyal din ang dahilan kung bakit balak ng Grade 12 student na si Jericho Dacles na magtrabaho kasabay ng pagkuha ng kursong criminology. 

“Wala pong trabaho ‘yong magulang ko po,” ani Dacles.

Subalit isa sa mga hamong maaaring harapin ng mga gaya nina Obal at Dacles ay ang mga kompanyang mas pinipili ang mga nakapagtapos ng kolehiyo kaysa sa mga nagtapos ng K to 12.

Pero para sa grupong Philippine Business for Education (PBED), dapat itigil na ng mga kompanya ang diskriminasyon sa mga K to 12 graduate.

“Kung pareho naman ang skills at nandiyan na ‘yong skills na kailangan, siguro naman you should not discriminate against those who finished only K to 12,” ani PBED Chairman Ramon Del Rosario.

Dahil sa diskriminasyon, inilunsad ng grupo ang “First Future,” na nanghihikayat sa pribadong sektor na tulungan ang mga estudyante at nagtapos ng K to 12 na sumailalim sa pagsasanay at magkaroon ng trabaho. 

May 3,000 training at job opportunities na ang naipangako umano ng 17 kompanya para sa mga mag-aaral at nagtapos ng K to 12.

“Usually mga entry-level position so mga sales associate, warehouse technicians,” sabi ni PBED Executive Director Love Basillote tungkol sa mga alok na trabaho. 

Sa susunod na linggo, maaari nang mag-upload ang mga estudyante ng kanilang profile sa First Future website na ibabahagi sa mga kompanyang nangangailangan ng tao. 

Maglalabas din daw sila ng listahan ng training at job opportunities para sa mga nasa K to 12.

–Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Article source: http://news.abs-cbn.com/business/12/04/18/3000-trabaho-training-alok-sa-k-to-12-students-at-graduates

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India