Share

Ateneo tinanghal na UAAP basketball champs kontra UP

Natalo ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang University of the Philippines Fighting Maroons, 99-81, para makuha ang back-to-back nilang titulo sa UAAP basketball championship nitong Miyerkoles. 

Naantala pa ang tip-off nang igiit ng Ateneo coaching staff na ipinagbabawal ang suot ni Bright Akhuetie na leg brace sa iniindang hyperextended knee alinsunod sa FIBA regulations. 

Binuksan man ni Paul Desiderio ang laro sa kaniyang 3 point shot, nagpasiklab ang Ateneo ng kanilang offensive power para malamangan ang UP sa unang quarter ng 12 puntos, 25-13. 

Sa tulong nina Desiderio at Juan Gomez De Liaño, napalapit sa 7 puntos ang lamang ng Ateneo pero agad itong nakontra para tapusin ang ikalawang quarter sa score na 48-37. 

Lalong napalayo ng Ateneo sa 14 ang kanilang lamang sa ikatlong quarter, 70-56. 

Lumobo pa sa 21 puntos ang agwat ng Ateneo sa UP sa tulong ng sunod-sunod na field goal ni Thirdy Ravena. Sa huli, hindi nabitawan ng Ateneo ang kanilang lamang at nanaig sa laban kontra UP. 

Bagaman may iniindang injury, tinanggap ni Akhuetie ang kaniyang Most Valuable Player award nitong Miyerkoles, na pinakauna para sa UP matapos ang halos 50 taon. 

Pinarangal naman na Playmaker of the season si Fighting Maroon Juan Gomez De Liaño habang pinarangalang Rookie of the Year si Ange Kouame. 

Hinirang naman na Finals MVP si Ravena, na umiskor ng kaniyang career-high na 38 puntos–ang pinakamataas na tala ng UAAP sa isang finals game magmula noong 2003. 

Sa kanilang campus ay todo-hiyaw naman ang mga Atenista sa pagkapanalo ng Blue Eagles. 

Tinambakan man, sinalubong naman ng mga hiyawan at palakpakan ang bawat shot ng Fighting Maroons sa isinagawang mga viewing sa iba’t ibang UP campus. 

Ikinalungkot man ang pagkatalo ng UP, proud ang fans at alumni nila sa ipinakita ng kanilang basketball team sa unang championship appearance ng Fighting Maroons matapos ang 32 taon. 

Inaasahan ang paglalaro bilang Fighting Maroons nina dating De La Salle University Green Archer Ricci Rivero at Kobe Paras sa Season 82 ng UAAP.

— Ulat nina Dyan Castillejo, Anjo Bagaoisan, at Kori Quintos, ABS-CBN News

Article source: http://news.abs-cbn.com/sports/12/05/18/ateneo-tinanghal-na-uaap-basketball-champs-kontra-up

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India