Share

Bawas-presyo sa kuryente, inaasahan; dagdag-singil sa langis, nagbabadya

 

  • Mababang singil sa kuryente, maaaring magtuloy hanggang Pebrero

  • Serye ng bawas-presyo sa petrolyo, nagbabadyang maputol

Inaasahang magkakaroon ng bawas sa singil ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) sa Disyembre, sabi ngayong Martes ng tagapagsalita ng power distributor.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, bunsod ito ng pagmura ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM) na isa sa pinagkukuhanan nila ng suplay ng kuryente.

Subalit wala pa raw billing o paniningil silang natatanggap mula sa ibang suplayer ng kuryente gaya ng natural gas plants.

Ganoon pa man, ani Zaldarriaga, mas malaki ang tsansa na pababa ang singil dahil hindi naman daw mataas ang demand at mas malaki ang bawas sa sport market.

Ayon pa sa Meralco, mararamdaman ang pagsadsad ng presyo ng langis ngayong huling tatlong buwan ng 2018 sa electricity bill ng mga konsumer sa Pebrero 2019.

Maaari rin daw bumaba ang singil sa kuryente sa Enero dahil sa adjustment o pagbabago ng “outage allowance” ng mga planta.

 DAGDAG-SINGIL SA LANGIS, NAGBABADYA

Samantala, nagbabadya namang maputol sa susunod na linggo ang serye ng bawas-presyo sa petrolyo.

Tumaas kasi ang presyo ng imported diesel at gasolina sa unang araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado bunsod ng plano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries at bansang Russia na tapyasan ang produksiyon ng suplay ng langis.

Sa unang araw ng trading, nasa P0.80 ang itinaas ng presyo ng kada litro ng gasolina, P0.32 taas sa kada litro ng diesel, at P0.17 taas sa kada litro ng kerosene. 

Subalit may apat na araw pa ng trading o pangangalakal.

Sa nakalipas na walong linggo, aabot sa higit P12 ang kabuuang ibinaba ng kada litro ng gasolina at lagpas P10 naman sa kada litro ng diesel.

–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Article source: http://news.abs-cbn.com/business/12/04/18/bawas-presyo-sa-kuryente-inaasahan-dagdag-singil-sa-langis-nagbabadya

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India