Share

Datos ng ilang passport holder ‘tinangay’; seguridad ikinabahala

“Tinangay” umano ng dating passport contractor ng gobyerno ang datos o impormasyon ng ilang passport holders matapos ma-terminate ang kanilang kontrata, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. – bagay na pinangambahan ng ilang passport holders dahil sa banta umano sa seguridad na maaaring idulot nito. 

Sa kanyang Twitter account, sinabi ito ni Locsin bilang tugon sa isang netizen kung bakit hinihingan siya ng kopya ng birth certificate sa pag-renew ng pasaporte. 


Ayon pa sa kalihim, kakailanganin muling buuin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang database. 

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Elmer Cato, tanging mga magre-renew lamang ng passport na hindi pa saklaw ng electronic passport noong 2009 ang o-obligahing magpasa ng birth certificate. 

Ang mga may nagre-renew lamang ng brown, green o maroon machine-readable passports ang kailangang magpasa ng birth certificate.

“We would like to clarify that the requirement for the submission of birth certificates is only for those who are renewing passports issued before we launched the electronic passport in 2009,” pahayag ni Cato sa text message sa ABS-CBN News. 

Aniya, nasa database pa ang impormasyon ng mga nabigyan ng passports mula 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Sa ngayon ay hindi pa napapangalanan ang sangkot na firm. 

IKINABAHALA

Samantala, ikinabahala ng ilang passport holders ang nangyari at hinimok nila ang DFA na aktuhan agad ang insidente lalo na’t personal na impormasyon at seguridad ang nakataya dito.

Kabilang na rito ang passport holder na si Cecile de Ocampo, na dating overseas Filipino worker sa Bahrain. 

“Madali nilang ma-detect katulad nga iyong sa mga krimen na nangyayari through information. Maraming nagaganap na scam,” aniya. 

Nang tanungin si Locsin ng isang netizen sa isyu ng data privacy at kung paano niya mapo-proteksiyonan ang kaniyang personal na impormasiyon, sinabi lamang nito na hindi niya alam.

Para naman kay Senador Risa Hontiveros, kailangang magpaliwanag ng DFA sa nangyaring data theft, na indikasyon umano ng seryosong banta sa seguridad at pagpapabaya ng gobyerno. 

“The recent admission that a privately contracted firm took the entire physical database of all of the country’s passport holders indicates a serious national security risk, and is evidence of the Duterte government’s gross incompetence in protecting the people’s private data,” aniya sa isang pahayag. 

Nagpadala ng mensahe ang ABS-CBN News sa DFA ukol sa posibleng mangyari sa nakuhang impormasyon sa passport holders at maging sa posibleng kaharapin ng contractor pero wala pang tugon ang ahensiya.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Privacy Commission na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon ukol sa insidente. 

“Any form of non-availability of personal data, infringement of the rights of data subjects, and harms from processing that include inconveniencing the public, must be adequately explained to the satisfaction of the law,” anila.

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India