Share

‘Di nasabihan’: P9 minimum fare sa jeep, ikinadismaya ng ilang grupo

Nag-aabang ng sasakyan ang mga commuter sa Commonwealth Avenue. Mark Demayo, ABS-CBN News.

Ikinadismaya ng transport at commuter groups ang bawas sa minimum fare dahil hindi umano sinunod ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang “demokratikong” proseso sa galaw-pasahe. 

Kasunod ito ng pagbaba ng pasahe sa P9 mula P10 sa Metro Manila, Region 3, at Region 4. 

Giit ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zeny Maranan, dati pa nilang sinasabing kusa silang hihirit ng bawas-pasahe kapag bumaba na sa P39 kada litro ang halaga ng krudo pero hindi umano natapos ang hearing ukol dito. 

“Ipinapakita lamang ng LTFRB na wala silang pakialam sa amin sa hanay ng transport wala silang pakialam maski kanino hindi man sa transport o sa ibang bagay na sila pag ano ang gusto nila ay siyang masusunod,” ani Maranan. 

Bagay ito na sinang-ayunan ni United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) president RJ Javellana, na ikinabahala naman ang umanong kakayahan ng ahensya na galawin ang presyo nang hindi sila naabisuhan. 

Kinuwestiyon niya rin ang hindi paglalabas agad ng resolusyon ukol sa bawas-pasahe. 

“Bilang pagrespeto po sa sektor ng transportasyon dapat dumaan po ito sa tamang proseso,” aniya, na umapelang ibalik sa P8 ang minimum fare. 

Hiling naman ni Maranan na dapat magkaroon na ng formula o pre-determined matrix sa fare adjustment. 

Pagpako ng pasahe sa P9 o mas mababa, sinisilip 

Posible namang ipako ng LTFRB sa P9 o lalong ibaba ang minimum fare ng jeep dahil sa mga sunod-sunod na rollback sa langis. 

Ani LTFRB Executive Director Samuel Jardin, posibleng mag-isyu ang ahensya ng permanent fare reduction sa nakatakdang hearing ukol dito sa Martes, pero maaari pa ring umapela ang mga transport group na tutol sa fare rollback. 

Titingnan ng LTFRB kung may batayan ito, dagdag niya. 

“Kung halimbawa ay makita ng board na talagang justified iyung P9 na provisional, puwede siyang maging permanent at puwedeng bababa pa doon kung mayroong justification naman,” aniya sa isang panayam sa DZMM. 

Agaran namang ipapatupad ang rollback sa Metro Manila, Region 3, at Region 4 kapag nailabas na ang resolusyon ukol dito, ani Jardin.

Article source: http://news.abs-cbn.com/business/12/04/18/di-nasabihan-p9-minimum-fare-sa-jeep-ikinadismaya-ng-ilang-grupo

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India