Share

DOH nagbabala vs pagpapaputok sa Bagong Taon

Nagbabala ang Department of Health sa mga pamilya na iwasan ang pagsindi ng sariling paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon. 

Ayon kay DOH Assistant Secretary Charade Grande, may “mas ligtas” na paraan para salubungin ang bagong taon gaya ng pagbisita ng mga community fireworks display at pag-iingay gamit ang torotot o palanggana. 

“May mga alternatibong paraan ng pag-iingay bukod sa mga paputok. Karamihan sa mga ito, ligtas gaya ng mga pagkalembang ng mga palanggana, o di kaya paggamit ng torotot,” aniya sa paglulunsad ng “Oplan: Iwas Paputok” noong Miyerkoles. 

Bagaman bumaba sa 27 porsiyento ang firecracker-related injuries noong 2017 kumpara noong 2016, determinado ang mga awtoridad na bawasan pa ito. 

Babala pa ni Grande, dapat gabayan ang mga bata sa paggamit ng mga plastic horns dahil may mga maliliit na bahagi ito na maaaring magdulot ng choking. 

Ayon sa datos ng DOH, 33 porsiyento ng 400 firecracker-related injuries noong nakaraang taon ay galing sa pagsisindi ng piccolo, kahit na ipinagbabawal ito. 

Paliwanag ni Philippine National Police Firearms and Explosives Office spokesperson Chief Inspector Domer Tadeo, may mga reklamo mula sa manufacturers at dealers na maaapektuhan umano ang kanilang mga kabuhayan kaya hindi pa nila maipagbabawal ang mga paputok. 

Nangako naman si Tadeo na babantayan nila ang mga lugar na may mataas na kaso ng firecracker injuries at indiscriminate firing, o ang pagpapaputok ng baril. 

Iinspeksyunin din ng PNP ang mga lugar kung saan ibinebenta at ginagawa ang mga paputok. 

Nasa full alert status naman ang Bureau of Fire and Protection mula Disyembre 22 hanggang January 5 para bantayan ang mga insidente ng sunog sa kapaskuhan. — Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Article source: http://news.abs-cbn.com/news/12/05/18/doh-nagbabala-vs-pagpapaputok-sa-bagong-taon

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India