Share

Failon Ngayon: Kontra malas 2019

Ang ating mga buhay ay pwede raw mas maging hayahay, ’yan ay kung “tutulungan” natin ang swerte na pumasok sa ating mga bahay.

Isa sa mga bumibili ng mga pampaswerte ay si Dra. Vangie Morales. Labinlimang taon na niyang dinarayo ang Ongpin, Maynila para rito. Taun-taon niya raw itong bina-budgetan. Ayon sa kanya, “Bago mag January 1st, andito na”ko and then we enhance it na lang bago mag new year ng Chinese. Usually ang binibili ko ay ’yung mga bracelets and ’yung mga amulets, and then meron din akong mga hangs o mga decors, sa office o sa bahay.”

Simula raw kasi nang maniwala siya rito, nagbago ang kanyang perspektibo sa buhay. At bukod nga sa mga lucky charms, isa pang pampabwenas ay ang pag-babalanse ng mga bagay-bagay sa iyong paligid sa pamamagitan ng feng shui.

Ayon kay Master Ang, isang feng shui expert: “Ang ibig sabihin ng feng shui ay hangin at tubig. Ang hangin umiikot, ang tubig dumadaloy. So kapag balanse itong hangin at tubig na to, nakakatulong sa tinatawag nating positive energy.”

Paliwanag naman ni Master Hanz Cua isa ring feng shui expert: “Ang feng shui is the right placing right direction ng mga gamit sa bahay, pintuan, stove, kama, cashier box ng mga paninda natin sa isang opisina, sa isang space.”

At hindi lang mga bagay ang itinatama ang pwesto, maging ang itsura, pwedeng ika-swerte mo. May say rin ang feng shui sa mga importanteng araw para umaksyon ang isang tao. Tulad ng tamang dates para sa mga kasal at paglipat ng mga bahay.

Tayong mga Pinoy ay malakas ang paniniwala sa malas at swerte. Kaya nga tuwing bagong taon, madalas bumibili tayo ng mga lucky charms. Wala nga raw pong mawawala kung tayo’y maniniwala. Hmmm, wala nga ba talaga?

Sa pagpasok nga ng good vibes, kapalit naman nito ay ang paglabas ng pera. 

Sa tindahang nagtitinda ng mga pampaswerte, naglalaro sa P100,000 ang mga binebentang lucky charms. Per consultation naman daw ang bayad sa pagpapa-feng shui. Mayroong P8,000 hanggang P6,000. Kung minsan pa mas mahal pa. Kaya di maikakaila na isa pa rin itong negosyo. Pinagdadalubhasaan daw ng mga eksperto ang mga payong binibigay nila sa kliyente.

Pero may ilang kababayan tayo ang nagtataka kung may eskwela talaga para sa feng shui, bakit wa epek pa rin sa kanila ang mga payo ng mga “master” dito? 

Si alyas Dalia ay dating komukonsulta sa isang feng shui master at nagpagiba pa ng bahay. Kwento ni Dalia: “Naniniwala ako dahil dati nu’ng nagsisimula pa lang negosyo ko nagpa-consult pero for free muna. Sinabi na after 5 years kikita kami. nagkatotoo nga. Nung 2000s may nagrefer ulit sa amin na bagong expert. P10,000 to P15,000 ang bayad sa consultation. Pinabago ’yung sliding door namin. Gumastos kami ng P25,000. ’Yung swerte raw kasi lumalabas. Wala namang naging effect. Dumilim pa nga ’yung bahay. At negative ’yung impact, lagi kaming nag-aaway sa pamilya. Kaya tinigil ko na. Hindi ko masabing naloko ako kasi ako rin naman may kasalanan kung bakit ako naniwala.”

Ang Filipino-Chinese naman na si Maureen Tan, kahit na nasa dugo niya ang kultura ng feng shui ay hindi naniniwala rito. Ayon sa kanya: “ ’Yung mga sinasabi sa feng shui, napag-aralan din naman namin sa basic interior design. May mga kilala ako na naniniwala sa feng shui pero hindi naman umunlad ang buhay. Nahirapan pa lalo kasi ang mahal ng mga pinapabili. Dapat ini-invest na lang nila ’yung pera na ’yun para mag-grow kaysa iasa sa bracelet.”

Depensa naman ng mga feng shui experts, mag-ingat daw sa paghahanap ng mga feng shui expert. Lalo na kung alam daw na ginagawa itong negosyo. At para hindi raw maloko lumapit daw sa mga tamang feng shui expert.

Komento naman ni Fr. Lucas Francis, presidente ng Catholic Media Network tungkol sa mga Katolikong naniniwala sa feng shui: “If it is based on science, there’s nothing wrong. Ang isipin mo lang, ang science ay ginawa ng Diyos. Tayo lang ang pinagdidiskubre n’ya. Pinagkatiwala lang tayo sa daigdig na ito, di tayo katiwaldas. Ngayon kung ikaw ay papalitan mo ang Diyos sa mga kaalamang makakasira sayo dahil ’yung ang dyinu-diyos mo ay sala ’yun.” 

Para kay Rae Echaveria isang sociologist, ang mga Pinoy ay naniniwala sa konsepto ng biglang-yaman. Gaya na lang ng pagtaya sa lotto at pagsunod sa feng shui. “Ang feng shui is a pseudo-science. Hindi naman masamang maniwala dito, mahirap kase ipaliwanag ang siyensya masyado tayong naniniwala sa bagay na hindi pa nagkakatotoo. Ang sa akin lang is sana ’wag mawala ’yung value ng pagiging masipag, pagiging masinop, ang lahat ng kaginhawaan ay nakukuha sa isang mahirap na paraan.”

____

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng “I Can See Your Voice”
alas-11 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph 

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India