Share

Failon Ngayon: Weather Forecast

Sa tuwing may darating na sama ng panahon sa bansa, kaliwa’t kanan ang paalala ng gobyerno sa mamamayan. Mapa telebisyon, radyo, social media, at maging text alerts man ’yan.

Ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services and Administration o PAGASA ang pangunahing ahensya na nag-aaral sa panahon at nagbibigay ng pagtantya sa kilos nito sa ’ting kapuluan. Upang makapaghanda ang taumbayan, nagbibigay ng “warnings” ang PAGASA sa lakas ng bagyong paparating.

Paliwanag dito ni Dr. Vicente B. Malano, Administrator I ng PAGASA: “Ang signal warning natin kasi ay base sa hangin ’yun. Signal no. 1 depression, Signal no. 2 storm, Signal no. 3, 4, and 5 kapag typhoon. Kapag Signal no. 1, may mga konting damage lang doon sa mga light materials. Kapag Signal no. 2 may moderate damage depende kung anong mga materials na gamit. Signal no. 3 moderate to heavy damage. Signal No. 4 very heavy damage at ’yung 5, very heavy to widespread damage. Basta may signal, magbantay na tayo, maghanda na tayo.”

Paliwanag naman ni Dr. Malano tungkol sa rainfall warnings magkaiba daw ito sa mga signals dahil ito at color coded. “Kapag ang amount ng rainfall ay umabot sa ganito, 15 millimeters sa loob ng one hour, doon na tayo nag ri-raraise ng yellow rainfall warning. Yellow ’yun ang pinakamababang rainfall warning pero heavy rainfall na rin ’yun. So ’yung lalo na kung red. Mayroon tayong ginagamit na instrument, ’yung sinasabi nating standard rain gauge, alas 8 hanggang alas 9, may narecord ka na 15 millimeters, Kung halimbawa malawak ’yung lugar na sakop ng 15 millimeters. Halimbawa 10 x 10 meters kung kukunin natin ang volume ng tubig na ’yun 15 cubic meters. So ang dami ng tubig nu’n.” 

Ang lahat ng impormasyong ito ay ipinapasa rin nila sa mga katuwang na ahensya sa disaster preparedness tulad ng OCD, LGU, DILG at lahat ng miyembro ng NDRRMC.

Kamakailan nga lamang ay gumagana na rin ang text alerts ng NDRRMC sa pakikipagtulungan ng mga telcos.

Walang humpay nga raw ang paalala ng mga ahensya ng gobyerno kapag panahon ng kalamidad. Ang tanong lang, nakatutulong ba ito para maiwasan ang pagkakaroon ng mga biktima ng bagyo? 

Ilang araw bago sumapit ang bagong taon, hinagupit ng tropical depression Usman ang mga lugar sa Bicol, gaya ng Albay at Camarines Sur at maging ang ilang probinsya sa Kabisayaan. Nagsimulang maglabas ng storm Signal no. 1 ang NDRRMC alas-5 ng umaga, Disyembre 27 sa siyam na probinsya. Awtomatiko ito pagkat tropical depression ang kategorya ng Usman. Lumawak pa ang sakop ng storm signals kinabukasan. Halos 25 lalawigan na ang winarningan. Pero sa tuluyang pagtama ng Usman sa kalupaan, ang Signal no. 1 naglaho. 

Isa nga sa mga naapektuhan ni Usman ay si Jonamae Bindal ng Sagñay, Camarines Sur. Hindi niya inakala na kahit nawala na ang warning sa kanilang lugar ay magdudulot pa rin ito ng trahedya lalo sa kanilang pamilya. Gumuho ang lupa malapit sa kanilang tinitirahan na tumabon sa kanyang dalawang anak kasama ang iba pang kaanak. Hindi lang sa lugar nina Jonamae nagkaroon ng landslide. Nagkaroon din ng landslide sa iba pang mga lugar tulad ng Legazpi at Tiwi Albay.

Ayon nga sa huling tala ng NDRRMC, umabot na sa higit 152,256 pamilya ang naapektuhan ng Usman sa Region V, VIII at sa MIMAROPA kahit pa naging low pressure area na lang ito.

Paliwanag naman nila Dr. Malano ng PAGASA sa naging pagbabago sa weather bulletin: “’Pag depression kasi hindi ma-pronouce ang kanyang pag-develop. Pagka malalaki o malalakas na bagyo, makikita natin ’yung eye na nasa gitna, para bang hindi gaano natitinag ’yun. Kung may nagtutulak niyan, talagang derederetso ’yan. Di tulad ng depression o low pressure area, parang kung may magtutulak man, hangin din naman ang magtutulak, eh lusutan lang din ang hangin liliko lang siya ng kaunti, magste-steady siya. Kaya ang nangyari du’n sa Usman, hindi masyado naitutulak nagbuhos siya ng maraming tubig.”

Ang siste, nalaman ba ng mga apektadong lugar ang lakas ng pag-ulan na ito sa kabila ng pagbaba ng warning signals? Nang amin ngang binalikan ang forecast ng PAGASA noong alas-8 ng umaga ng December 29, tanging southern Quezon lamang ang inilabas nilang heavy rainfall warning. Ang tanging heavy rainfall warning at general flood advisory na apektado ang Bicol area ay inilabas ala-6 na ng gabi!

Pagtantya nga ba ng panahon ay sablay kaya buhay ang nadadamay?

End Part 1

____

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng “I Can See Your Voice”
alas-11 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India