Share

Ilang natulungan ng ‘5-6’, umangal sa pahayag vs mga nagpapautang

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin ang mga nagpapautang ng ‘5-6’ na siyang inaasahan naman ng maraming kapos na bigong makahiram sa mga institusyong pinansiyal. 

Ayon kasi kay Duterte, nababaon lang umano sa utang ang mga humihiram sa ilalim ng naturang sistema.

“Alam mo ‘yang ‘5-6,’ iyan ang gusto kong patayin na sistema. Kung hindi ko mapatay ang sistema, ‘yung nagdadala ng ‘5-6’ na lang ang ating patayin. Mas madali man siguro,” anang Pangulo. 

Dati nang ipinatitigil ni Duterte ang ‘5-6,’ pero di ito masawata dahil marami pa rin ang umaasa dito. 

Bukod daw kasi sa wala nang hinihinging papeles, flexible umano ang nagpapautang pagdating sa bayaran, di gaya sa mga bangko at iba pang mas pormal na sistema. 

Isa sa mga nakinabang sa ‘5-6’ ay si Fely Rivera, na pinuhunan sa negosyong karinderya ang inutang.

“P5,000 lang pero 60 days [ang bayaran], hindi ako naghuhulog ng Linggo. Puwede ka mag-pass sa kanila. Pero sa [ibang] lending hindi, hindi ka puwede mag-pass kailangan doblehin mo ang hulog,” paliwanag ng ginang kung bakit niya tinangkilik ang ‘5-6.’ 

Sa ‘5-6’ din nakautang si Merlinda Belen para may pambili sa mga paninda.
 
“Binili ko ng panindang sigarilyo, candy, biskuwit para paninda” ayon kay Belen. 

Madali ring nakakuha ng puhunan si Marilou Cuadling. 

“Siyempre pag may tubo ka pag nagtitinda ka, ‘yung tubo bibigay mo sa kanila. May sobra namang konti kaya lumago lago naman nang konti ang inutang ko,” aniya.

Bilang pantapat sa ‘5-6,’ binuo ng pamahalaan ang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) na pinangangasiwaan naman ng Department of Trade and Industry (DTI). 

Sa ilalim ng programa, nag-aalok ang DTI ng pautang na may 2.5 porsiyentong buwanang interes.

Sa kasalukuyan, wala pang datos na inilalabas ang DTI sa bilang ng mga natulungan ng programa. 

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India