Share

Konsehal, patay sa pamamaril sa Cebu

Nakatambay lamang sa tindahan ng kaniyang kapatid ang biktima nang pagbabarilin sa Cebu. Jude Torres, ABS-CBN News

SAN FERNANDO, Cebu – Dead on arrival sa pagamutan ang isang municipal councilor matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem, Martes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si San Fernando municipal councilor Rene Boy Dacalos. Nasa loob umano ng tindahan ng kaniyang kapatid ang biktima sa Barangay Poblacion nang pagbabarilin ng mga salarin.

Ayon sa pulisya, tinitingnan nilang motibo sa pagpatay ang trabaho ng biktima bilang konsehal, ang kaniyang pagiging negosyante at pagkakasangkot umano nito sa ilegal na droga.

Kinumpirma din ng pulisya na high value target nila ang napatay na konsehal.

Maraming beses na nilang pinilit ang biktima na sumuko sa Oplan Tokhang matapos itong masali sa drug matrix ng pulisya na kasamahan umano ng self-confessed drug lord na si Franz Sabalones.

Sabi ng asawa ng biktima na si Leonora, hindi sangkot sa ilegal drug trade ni Sabalones ang asawa. Pero kinumpirma niyang matalik na magkaibigan ang dalawa.
 
Patuloy pa na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.