Share

Labor group balak itaas ang hirit na umento sa sahod sa NCR

Kung noong Hunyo ay P320 lang ang isinusulong na dagdag sa minimum wage sa Metro Manila ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), ngayon ay balak nila itong itaas sa P334.

Kung maaaprubahan, magiging P846 ang kita ng isang manggagawa kada walong oras.

Kasalukuyan kasing pumapalo lang sa P512 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR).

“Noong June ang aming basehan ay nasa 5.2 percent na ang inflation rate pero itong quarter at inanunsiyo ng gobyerno ang sabi nila ay nasa 6.2 percent ang ating inflation rate, so babaguhin namin,” ani ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

Kumpiyansa ang grupo na makikinig at tatanggapin ito ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR).

Sabi naman ni Department of Labor and Employment secretary Silvestre Bello III, nakakasa na sa Lunes ang konsultasyon at public hearing ukol sa isyu .

“Kokonsultahin din ang mga employer at ‘yung ibang inputs pa na maaaring makakaapekto sa kakayahan ng ating management groups sa pagbibigay ng adjusted wage,” paliwanag ni Bello.

Bukod sa DOLE, kasama rin sa magdedesisyon ang Department of Trade and Industry (DTI), National Economic and Development Authority (NEDA), at mga kinatawan ng labor group at employers group.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Article source: http://news.abs-cbn.com/business/10/20/18/labor-group-balak-itaas-ang-hirit-na-umento-sa-sahod-sa-ncr

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India