Share

Lalaki inaresto sa Comelec checkpoint sa Bulacan dahil sa ‘droga’

MANILA – Timbog ang isang lalaki matapos mahulihan ng illegal na droga sa isang Comelec checkpoint sa Brgy. Tungko, San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng checkpoint sa tapat ng isang gasolinahan nang kanilang pinara ang suspek na naka-motor.

Pero papalapit pa lang ang suspek nang mapansin nilang nagtapon ng pakete ng sigarilyo sa kalsada ang lalaki.

Naghinala ang mga pulis at pinulot ang tinapon nito at nakita nilang naglalaman ito ng hinihinalang marijuana.

Agad na inaresto ang lalaki at hinalughog ang gamit nito. Dito na nakuha ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000.