Share

‘Pag-unawa sana’: Mga gurong kumakapit sa ‘5-6’ umalma sa pahayag ni Duterte

Sa kabila ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na “ipapapatay” niya ang lahat ng nagpapa-5-6, marami pa ring kapos ang kumakapit sa naturang uri ng pautang, kabilang na ang mga guro.

Isa na dito ang public school teacher na si Anna Arellano, na mahigit 20 taon nang nagtuturo. 

Higit P20,000 ang suweldo niya kada buwan pero dahil sa dami ng kaltas mula sa iba’t ibang loans, nasa P5,000 lang ang take-home pay niya.

Pero ang cash sanang puwede pang ipanggastos, di na rin dumadaan sa kamay niya dahil nakasangla ang kaniyang ATM card. 

“Ang ATM ko po nasa mabuting kamay po. When I say mabuting kamay, nasa 5-6 po… Dalawang taon mahigit na po,” kuwento niya. 

Di na niya napigilang mapaiyak nang ikuwento ang araw-araw niyang laban, dahil sa kabila ng pagiging guro ay hindi niya mapag-aral ang sarili niyang panganay.

Ang 10 taong gulang naman niyang bunso na may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), hindi na rin niya magawang ipa-therapy. 

“Naaawa ako sa mga anak ko. Sino bang magulang, sino bang guro ang gustong maging ganun ang sitwasyon ng anak mo,” hinaing niya.

Katulad ni Arellano, nakasangla na rin ang ATM card ni teacher Redilla Insigne. 

Nasa kolehiyo ang panganay niya at isa siyang single mom kaya pagbebenta ng biko at bagoong ang sideline niya para kumita ng extra. 

Mula sa suweldo niyang P25,000, nasa P1,800 lang ang bumabalik sa kaniya. 

“Said na said talaga ang suweldo namin… Akala ko sa teacher makaka-survive kami, hindi pala. Wala kaming ibang paraan kundi kumapit sa patalim. Pano pag di kami kumapit sa 5-6?” aniya. 

Malaking porsiyento raw ng mga guro, sa ganitong paraan nabubuhay. 

Kaya marami sa kanila ang umalma matapos ang pahayag ni Duterte na nais niyang patayin ang sistema at ang mga pasimuno ng 5-6.

“Sana maunawaan ng pangulo ang pag hihirap ng mga guro… Mahirap talaga biruin mo uutang ka ng P1,000 pagbalik mo may P100 dagdag. Iyung P100 mo maibibili mo ng ulam,” ani Insigne.

Balak ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na magtungo sa opisina si Department of Education (DepEd) secretary Leonor Briones at isulong ang pakikipagdayalogo sa Pangulo para sa umento sa sahod. 

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
 

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India