Share

Sinehan para mapanood ang ‘Rainbow’s Sunset,’ nadagdagan na

MANILA — Pitong araw nang palabas sa mga sinehan ang walong official entries ng Metro Manila Film Festival.

Wala mang opisyal na box office gross na inilalabas ang MMFF Executive Committee, base sa dami ng mga sinehan na showing ito, kita na nangunguna sa takilya ang “Fantastica” nina Vice Ganda, Richard Gutierrez, at Dingdong Dantes; at ang “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” nina Coco Martin, Maine Mendoza, at Vic Sotto.

Sa social media, nagpasalamat si Vice Ganda na nag-post ng “300 million thank yous” sa mga sumuporta sa kanilang pelikula.

Nagpasalamat na rin si Coco Martin sa kanyang Instagram account.

Pero kung may nagpapasalamat, umaapela naman ang ilang MMFF entries na dagdagan ang mga sinehan na puwedeng ipalabas ang kanilang pelikula.

Ito ang madamdaming mensahe ni direk Joel Lamangan, 2018 MMFF best director, at Harlene Bautista na producer para sa “Rainbow’s Sunset” na siya ring MMFF best picture.

“Huwag lamang nating patabain ang bulsa ng lahat ng may-ari ng sinehan, patabain natin ang kaluluwa ng ating bayan,” ani Lamangan.

“Masakit na sa harap mo ay tinatanggal ang sinehan ng pelikula mo,” dagdag ng direktor.

“Pakidagdagan na po ang mga sinehan ng ‘Rainbow’s Sunset,’ deserve po namin ‘yun,” ani Harlene Bautista, producer ng “Rainbow’s Sunset.”

Sa ngayon, nadagdagan na ang mga sinehan kung saan mapapanood ang “Rainbow’s Sunset” na ipinagpasalamat naman ng mga nasa likod ng pelikula.