Share

Training at seminar para sa motorcycle riders, isinusulong

Isang linggo na ang nakalilipas mula nang mamatay ang kilalang geologist na si Rolando Peña matapos masagasaan ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada.

Bukod sa pagkamatay, nagdudulot din ng injury ang mga aksidente sa motorsiklo gaya ng pagkabali ng buto at pagkawala ng isang tao ng kakayahang makapaglakad.

Bunsod nito, itinutulak ngayon ng Motorcycle Philippines Federation ang patakarang bago makakuha ng lisensiya ang isang motorcycle rider, dapat dumaan muna siya sa road safety training at seminar.

“Kapag nakahawak ng manibela, akala mo alam na nila lahat eh,” sabi ni Motorcycle Philippines Federation director for administration Atoy Sta. Cruz.

Nakabinbin naman sa Senado ang panukala ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na Motorcycle Safety Training Act.

Kapag naisabatas, magiging obligado ang mga rider na sumailalim sa pagsasanay bago makakuha ng lisensiya.

Sa ngayon, ilan lamang tulad ng Motorcycle Philippines Federation ang nagbibigay ng safety training pero aminado ang isa nilang opisyal na nakadidismaya ang resulta ng mga exam na ibinigay nila.

Ayon pa kay Sta. Cruz, pito lamang sa 9,000 motorcycle riders ang pumapasa sa kanilang exam ukol sa traffic rules.

“‘Yon ang problemang nakikita natin,” ani Sta. Cruz.

Nasa 5,700,000 ang rehistradong gumagamit ng motorsiklo sa bansa.

Mga motorcycle rider din ang nangungunang biktima ng mga aksidente sa kalsada mula 2010, ayon naman sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

— Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Article source: http://news.abs-cbn.com/news/12/05/18/training-at-seminar-para-sa-motorcycle-riders-isinusulong

Loading...

Best Wordpress Plugin development company in India     Best Web development company in India